Multo sa Panaginip by Regis Tagumpay


Multo - isang kaluluwa na hindi nakapunta sa langit dahil hindi pa talagang nagsisisi sa ginawang kasalanan. Halos lahat ng multo, gumagala at nagpapakita lang sa taong gusto nila o gusto nilang takutin pero ang iba ay sa panaginip naman nagpaparamdam.

Nagsimula akong bangungutin noong ako ay nasa ika-anim na baitang. Nagkuwento lang naman ako sa mga kaibigan ko ng tungkol sa multo. Nasa ikatlong baitang ako noon, Araw ng mga Patay noon at ako ay nasa kusina ng bahay namin at nagsisipilyo ng ngipin. Biglang may humawak sa paa ko at nakita ko talaga ang kamay na parang kamay ng matanda pero biglang nawala. Akala ko nga ay si mama pero nang tinanong ko siya ay sinabi niyang hindi daw siya iyon. 


Noong ikuwento ko iyon sa mga pinsan ko, ako ay nasa ika-anim na baitang na. Kinagabihan ay naramdaman ko na biglang may humawak sa paa ko pero wala namang ibang tao dahil mag-isa lang ako sa aking kuwarto. Dahil dito, nanginig ako sa takot pero snubukan ko pa ring balewalain iyon ngunit nang sumunod na gabi, doon ako nagsimulang bangungutin. Iba't ibang multo ang nagpapakita sa akin - may babaeng nakaputi, may lalaki at bata ngunit lahat sila ay walang mukha. Minsan, naranasan ko pa na sinasakal nila ako. Ilan lamang ito sa maraming bangungot na naranasan ko.

Kung susubukang tantiyahin ay nasa tatlumpung beses na akong nakakaranas ng bangungot, Unti-unti nang nawawala ang takot ko. Sa ngayon, parang wala na lang sa akin ang nangyayari pero patuloy ang tanong sa aking isipan kung bakit hindi na lang sila magpakita sa akin nang personal at kung bakit sa panaginip pa. Ano kaya ang gusto nilang saihin sa akin? Bakit kaya sila nagpapakita sa akin?

Comments