Bagong Salta by Flordeliza Gellang as published in JIS Busay SY 2017-2018




Takot, saya, excitement – halo-halong emosyon ang nararamdaman ko sa pagpasok sa paaralan. Nag-umpisa sa pagbati ng “magandang umaga”, pagpapakilala sa sarili, hanggang sa magbigay ang guro ng gawain na tungkol sa unang leksyon, at magtatapos sa masayang usapan. Susundan ng pag-solve ng mga problema sa Math, magkakaroon ng pangkatang gawain para ma-solve namin ang mga problema.

Doon nag-umpisa ang hindi ko inaasahang impresyon sa akin ng aking mga kagrupo. “Mabuti, kahit transferee ka, tumutulong at nakikiisa ka pa rin sa amin. Akala ko hindi ka kikibo dahil mahihiya ka pa muna,” puna ng aking bagong kamag-aral. Yun ang inaasahan nila ngunit nagkataon lang din naman na may alam ako tungkol sa pangkatang gawain namin. Sila pa rin naman ang naka-solve. Isa iyon sa mga hindi ko makakalimutang sandali bilang isang transferee.



Mahirap ang lumipat ng paaralan lalo na kung hindi ka marunong makisama. Bilang isang estudyante ng bagong kurikulum na Kto12, marami akong masaya at mahirap na pinagdaanan katulad din ng ibang mga estudyante.

Dahil nga sa likas akong tahimik, hindi ko inaasahang gagamitin ng iba iyon laban sa akin. Hindi ko alam na magiging rason pala iyon para ako ay ma-bully. Para sa akin, isa lang iyong maliit na hindi pagkakaunawaan kaya binale-wala ko lang ito noong una at pinanghawakan ko ang salitang “makisama” sa panahong iyon dahil nga isa akong transferee at isa pa, ayoko ng gulo.



Sa kasamaang palad, sadyang mapaglaro ang tadhana. Ako na nga ang lumalayo sa gulo, lalo pa itong lumalapit. “Sipsip!” “Sensitive!” – ilan lamang ang mga ito sa mga parinig ng aking mga kamag-aral. Bilang tao, hindi ko maiiwasan ang maapektuhan sa mga parinig na ito. Dumating rin sa pagkakataon na naisip kong tumigil sa pag-aaral. Dahil sa aking planong paghinto, nakakilala ako ng mga tunay na kaibigan. Hindi sila nagsasawa sa pagbibigay ng payo sa akin.

Isang araw, nagkaroon kami ng gawain sa isa sa aming mga asignatura kung saan kami ay pinagsusulat sa journal. Doon ko ibinuhos ang lahat ng aking mga saloobin. Nagpapasalamat talaga ako sa aming guro dahil sa gawaing iyon, naayos ang hindi namin pagkakaunawaan ng aking mga kamag-aral.



Minsan, pinipili nating tumakas sa mga problemang ating kinakaharap. Ngunit salamat sa mga taong nagmamalasakit, nakakaya nating magpatuloy sa ating lakbayin at sa huli, tayo ay lilingon at sasabihin, “Mabuti na lang, hindi ako sumuko.”

Comments